Masyadong masaya yung mga posts ko lately..gawa tayo ng konting lungkot.:p
.
.
.
Isang taon na pala ang nakakalipas nung pinatatak ko sa likod ko ang muka ni Medusa kasama ng mga alaga nyang ahas..Naalala ko gaano kasakit yun, pero dahil isa akong magiting na mandirigma ng pag-ibig, mas iindahin ko pa ang sakit ng iniwan ng sinisinta kesa ang zzzztttt ng pagtattoooo.
Isang taon na nga pala ang nakalipas, nung dinalaw mo ako sa secret hiding place, at narinig ang matamis mong halakhak kasabay ng mga kwento mong unang beses ko lang napakinggan.
Natapos na pala ang tatlong daang, animnapu't limang araw, naaalala ko padin ang mga mata mong malamlam, na nagniningning tuwing tatawa o ngingitian mo ako.
Nagdaan na ang limapu't dalawang linggo, wala pading pagkakataon na di ko naaalala ang tamis ng bawat halik at init ng iyong bisig, sa tuwing ako'y iyong yayakapin.
Iniwan na tayo ng labingdalawang buwan, pero tuwing naririnig ko ang pangalan mo, para pading dinadaga ang dibdib , humihiling na sana hindi mapansin ng tadhana na ang puso ko'y tumitibok padin para sa taong hindi ko na alam kung naaalala pa ako.
Haaay, tapos na lahat yon, pero kilig at hapdi padin ang nararamdaman ko.
Isang taon na yun.. nung nahulog ako sa bitag ng walang kasiguraduhan...kung pag-ibig nga ba o paghangang nalason lang ng malisya.
Matapos ang isang taon, nawala na ang alaala ng hapdi ni Medusa sa aking balat, ngunit ang mga alaalang iniwan mo, dumadaloy padin at nananalaytay sa dugo, tagos na hanggang buto.
Isang taon na, pero bakit kaya ikaw padin laman ng mga sinusulat ko?
Isang taon na, pero bakit naiisip kita sa mga di inaasahang oras , tulad ng paglabas ng kaluluwa ng mga kinain ko sa banyo?
Isang taon na, pero bakit pakiramdam ko yung masasaya nating pagsayaw sa huni ng kaligayahan ay tila isang araw palang ang lumipas?
Isang taon na, pero bakit iisa padin ang tanong ko kay Medusa...kelan ka ba matatapos?
(di pa kasi tapos yung backpiece ko hahaha)
Dadaan pa ba ang isang taon, bago ko tuluyang ibigay sa hangin ang mga alaala natin?
Dadaan pa ba ang ilang dekada, bago ko ipaanod sa dagat ang natitirang pag-asa sa puso ko, na balang araw, makikita ulit kita, mahahagkan at muling masisilayan ang ngiti mong nakakakilig parang Coke diet.
Dadaan pa ang mga araw, mauuna nang matapos si Medusa, madadagdagan ang mga tattoo ko sa katawan, ngunit hindi na ata magwawakas ang pag-ibig na tinanim. Panonoorin ko na lang syang yumabong at balang araw, darating si Prince Charming at bubunutin nya ito, at ipapakain sa kabayo.
Wakas.
Comments